BUMIDA ang mga sikat na karakter ng Pinoy “Komiks” gaya nina Darna, Captain Barbell, Ang Panday, Machete at Dyesebel sa ginanap na Grand Float Parade Competition ng Pamahalaang Lungsod, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, noong Abril 8, 2017 sa pagdiriwang ng ika-19 Anibersaryo ng Pagiging Lungsod ng Antipolo. Nakiisa sa magarbong parade na may temang “Antipolo: Road to Progress” ang 16 barangay simula Sumulong Park patungo sa Ynares Center. Layon nitong isulong at bigyang pagpapahalaga ang tradisyon at kulturang Pilipino sa pamamagitan ng sining.

Nagpasalamat si Mayor Ynares sa mga barangay na taun-taong nakikiisa sa pagdiriwang ng Anibersaryo ng Pagiging Lungsod ng Antipolo. Aniya, ang patuloy na pagpupursigi ng mga mamamayang Antipolenyo at ang walang sawang pagsuporta ng bawat isa sa mga proyekto at programa ng Pamahalaang Lungsod ang dahilan sa patuloy na pag-unlad ng Antipolo.

CityHood Parade1

Ngayong taon, itinanghal na wagi ang float ng Brgy. San Isidro (Champion), Brgy. Inarawan (1st runner-up), Brgy. Sta. Cruz (2nd runner-up), Brgy. Bagong Nayon (3rd runner-up) at Brgy. Beverly Hills (4th runner-up) kung saan tumanggap sila ng plake ng pagkilala at cash prizes mula sa Pamahalaang Lungsod na nagkakahalaga ng P 75,000 (Champion), P 60,000 (1st runner-up), P 50,000 (2nd runner-up), P 40,000 (3rd runner-up) at P 30,000 (4th runner-up). Samantala, ginawaran naman ng consolation prizes na nagkakahalaga ng P 20,000 ang mga barangay na hindi pinalad manalo.

CityHood Parade2

Taun-taon, bahagi na ng paggunita ng Cityhood Anniversary ng Antipolo ang Grand Float Parade Competition kung saan noong 2016, itinanghal din na kampeon ang Brgy. San Isidro.