HANDANG-HANDA na ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo sa pagdagsa ng tinatayang 6 na  milyong deboto na makikiisa sa nalalapit na Alay Lakad na gaganapin sa Abril 13, 2017. Nakipag-ugnayan ang pamunuan sa mga Non-Governmental Organizations (NGOs), Antipolo-Philippine National Police (PNP) at civic organizations upang matiyak ang seguridad at kaayusan sa paggunita ng Semana Santa.

Nanawagan si Antipolo City Mayor Jun Ynares sa lahat ng makikiisa sa pagdiriwang ng Mahal na Araw na gawing taimtim ang paggunita sa okasyon upang maiwasan ang kaguluhan at maramdaman ng bawat isa ang tunay na diwa ng Semana Santa. Paalala pa niya, iwasan din dapat ang pagkakalat upang mapangalagaan ang kalikasan.

Maglalagay ng Central Command Center ang pamahalaang lokal sa Sumulong Park kung saan inaasahang mamamahinga ang karamihan na makikiisa sa Penitential Walk. Mayroon ding Public Assistance Desk na itatalaga sa Sumulong Highway, Ortigas Avenue Extension at Circumferential Road upang magbigay ng assistance sa publiko.

Bente kwatro oras naman ang gagawing pagbabantay ng kapulisan katuwang ang Provincial PNP, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at Office of the Public Safety and Security (OPSS) sa lungsod maging ang medical team mula sa City Health Office na magbibigay ng paunang lunas sa mga mangangailangan ng medical assistance.