MATAGUMPAY na isinagawa ng mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ang National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) na ginanap noong Biyernes, Marso 31, 2017. Sa pangunguna ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) at sa pakikipagtulungan ng Bureau of Fire Prevention (BFP), sama-samang nag-duck, cover and hold ang mga empleyado ng Antipolo City Hall patungo sa Sumulong Park na siyang itinakdang assembly area para sa naturang shake drill.

Ayon kay Mayor Ynares, sapat na paghahanda at kaalaman bago pa man dumating ang kalamidad at sakuna ang layunin ng pamahalaang lokal na maiparating sa bawat isa. Sa pamamagitan nito, masisigurado ng lahat na hindi lang ang lungsod ang handa para sa lindol, kundi pati na din ang mga mamamayan ng Antipolo. 

Nagkaroon ng isang minutong pagtunog ng alarma bilang hudyat ng drill kung saan matapos nito ay maayos na lumikas ang mga kawani ng pamahalaang lokal gamit ang duck, cover at hold technique. Kabilang din sa drill ang pagpapakita kung paano sagipin at bigyan ng tamang first aid at kalinga ang mga nasugatan sa lindol.

EarthquakeDrill1

Ang mga kawani ng Bureau of Fire Prevention at City Disaster Risk Reduction and Management Office habang dinadala ang isang sugatan na empleyado ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares sa National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) na ginanap noong Biyernes, Marso 31, 2017.

Bukod dito, nagkaroon din ng aktwal na pagtuturo sa mga nagboluntaryo ng wastong paggamit ng fire extinguisher at kung paano ito gagamitin sa pagsugpo ng apoy.

EarthquakeDrill2

Ang mga empleyado ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, habang maayos na nagsasagawa ng National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) na ginanap noong Biyernes, Marso 31, 2017.

EarthquakeDrill3

Taun-taon isinasagawa ng lungsod ang naturang drill kaugnay sa Fire Prevention Month at alinsunod na din sa NSED ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) at para mapalakas ang ugnayan ng iba’t ibang sector ng komunidad at pamahalaan. Layunin ng mga nasabing ahensiya na isulong ang kaligtasan ng bawat isa at maituro sa lahat ang kahandaan at wastong mga hakbang at proseso kung sakaling magkaroon ng lindol.