DINAGSA ng halos 2,000 na job seekers ang idinaos na Job Fair ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, katuwang ang Public Employment Services Office (PESO) noong Abril 20, 2017 sa Robinsons Place Antipolo. Layunin ng programa na may temang “Tayo na Antipolo: Bawat Antipoleño, Pwedeng Magkatrabaho” na ilapit ang oportunidad sa mga residente ng lungsod.

Ayon kay Mayor Ynares, ang pagkakaroon ng maayos na hanap-buhay ay isa sa mga kasagutan sa kahirapan. Naniniwala siya na kung angbawat isa ay may trabaho, maiiwasan ang pagkakaroon ng krimen at uunlad ang komunidad. Aniya, ang pamahalaang lokal ay patuloy sa pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya at pribadong kumpanya upang mas mapalawak ang oportunidad para sa mga mamamayan.

Nagkaroon ng One-Stop Shop sa pakikipagtulungan ng mga ahensiya ng gobyerno gaya ng Social Security System (SSS), Pag-IBIG Fund, PhilHealth, National Bureau of Investigation (NBI) at National Statistics Office (NSO) kung saan maaaring asikasuhin ng mga aplikante ang mahahalagang dokumento at papeles na kinakailangan sa pagtatrabaho.

Ilan sa mga kumpanyang nakiisa sa Job Fair ang Voim English Corp., Samsung, Convergys, The Results Companies, National Book Store, Pandayan Bookshop, Super Metro, Citistores Inc., Centennial Technologies, Andok’s Litson Corp., Dermcare at marami pang iba.

Nitong Abril 5, sinimulan naman ng Pamahalaang Lungsod ang Special Program for the Employment of Students (SPES) na mayroong halos 900 kabataan kabilang ang mga Persons-with-Disabilities (PWDs) na benepisyaryo ngayong taon.

Noong 2016, umabot sa 150,000 na residente ang nagkaroon ng hanapbuhay sa tulong ng Local Recruitment Activities (LRAs), Special Recruitment Activities (SRAs), Job Fairs at Daily Employment Referral na regular na isinasagawa ng pamahalaang lokal.