NAPALIGIRAN ng luntian at sariwang mga pananim ang isinagawang “Usapang Gulayan – Vegetable Expo” ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, katuwang ang East-Seed Philippines na ginanap sa Boso-Boso, Barangay San Jose noong Abril 20, 2017. Pinangasiwaan ng City Agriculture Office ang programa na may temang “Asensado ang Buhay sa Negosyong Pag-gugulay!” kung saan ibinahagi sa mga dumalo ang mga tamang paraan ng pagtatanim at benepisyo sa pagtatanim at pagkain ng gulay.

Ayon kay Mayor Ynares, ang gulay ay hindi lang pangunahing pagkain ng tao kundi maaari ding pagkakitaan. Dahil dito, ang pamahalaang lokal ay nagsasagawa ng ganitong programa upang mas mapalawak ang kaalaman ng mga Antipolenyo sa pag-gugulay at mabigyan sila ng pagkakataon na makapag-negosyo sa pamamagitan nito.

Paggugulay1

Mayroong 200 na magsasaka ang nabiyayaan ng libreng binhi ng gulay upang kanilang itanim sa kanilang mga sariling lupa. Nagbigyan din sila ng karagdagang kaalaman tungkol sa mga dekalidad na binhing gulay at ang mga makabagong teknolohiya sa pagpapalago ng pananim.

Paggugulay3

Nakiisa rin sa nasabing programa si Vice Mayor Josefina “Pining” Gatlabayan upang magpakita ng suporta sa mga dumalo na balak mag-negosyo sa tulong ng pagtatanim ng gulay.

Paggugulay2

Noong 2015 ay nagkaroon na din ng parehong programa sa Sitio Pantay kung saan ang nabahagian ng impormasyon tungkol sa pagtatanim ng gulay ay ang mga representante ng barangay at ibang mga mag-aaral at guro sa lungsod.