NASAGIP ang 5 taong-gulang na batang babae ng ilang opisyales ng Office of Public Safety and Security (OPSS) matapos mapansin itong pakalat-kalat at nawawala sa Cogeo Gate 2, Marcos Highway, Brgy. Dela Paz noong Abril 10, 2017 kung saan kasalukuyan silang nagsasagawa ng anti-Illegal vending operations. Mahigpit na ipinapatupad ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ang Curfew Ordinance o ang pagbabawal sa mga kabataan na magpakalat-kalat simula 10:00 ng gabi hanggang 4:00 ng umaga.

Pinapaalalahanan ni Mayor Ynares ang mga magulang na gabayan ng mabuti ang kanilang mga anak upang mailayo ito sa kapahamakan. Aniya, mapanganib para sa mga kabataan ang magpakalat-kalat sa lansangan sapagkat madalas dito maganap ang krimen at aksidente.

Agad na dinala sa opisina ng OPSS ang batang babae na nakilalang si Rishalyn San Antonio upang sumailalim sa proper recording at interview. Ayon sa kwento nito, kasama niyang nagba-bike ang kaniyang pinsang babae noong Abril 8 hanggang sa naiwan na siyang nag-iisa sa kalsada.

Samantala, sa panayam ni Chief Jaybhee Miralles ng City Ordinance Enforcement Division (COED), natuklasan ang pagkakakilanlan ni Rishalyn at saka naiuwi sa kaniyang amang si Salvador San Antonio na nagpasalamat sa ligtas na pagkakabalik ng kaniyang anak.