GINUNITA ang ika-116 na Araw ng Lalawigan ng Rizal sa Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, katuwang ang Antipolo City Band at Philippine National Police – Antipolo (PNP-A), kung saan magkakasamang nag-alay ng mga bulaklak sa ilalim ng watawat ng Pilipinas ang mga kawani ng pamahalaang lokal, panlalawigan at nasyunal noong Hunyo 11, 2017 sa Sumulong Park. Bahagi rin ng selebrasyon ang serenata, cultural presentation, at pag-alala sa ika-119 na Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.

“Sa paggunita po natin ng Araw ng Lalawigan at Araw ng Kalayaan, atin pong alalahin ang mga sakripisyong ginawa ng ating mga bayani upang makamit natin ang kapayapaan at kaunlaran. Bilang paggalang sa kanila, patuloy po naming gagampanan ang aming mga tungkulin ng matapat, responsable, at may paninidigan. Nawa’y isa-isip, isa-puso, at isa-buhay po nating lahat ang tunay ng diwa ng selebrasyong ito,” pahayag ni Mayor Ynares.

116th ArawngLalawigan 1

116th ArawngLalawigan 2

Naghandog ang Antipolo City Band sa naturang programa ng isang makakilabot pusong serenata. Samantala, cultural presentation naman ang hatid ng “Maharlika Dance Troop” (San Isidro National High School) sa mga dumalo, kung saan idinaan nila sa sayaw ang mga kultura at tradisyon ng mga Pilipino.

Dinaluhan ng mga kawani sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan ang naturang programa, mula sa barangay hanggang sa nasyunal.

Sa mensaheng kanilang ibinahagi, inalala nina Vice Mayor Josefina “Pining” Gatlabayan at District 1 Board Member Enrico De Guzman ang mga pagsubok at tagumpay na kinaharap ng Antipolo at Rizal.

Sa paglipas ng taon, nakamtan na ng Rizal ang iba’t ibang klase ng tagumpay. Isa na rito ang pagsungkit ng lalawigan sa Seal of Good Governance, gayun din ang pagkilala rito bilang #1 Most Competitive Province sa buong bansa.