NAGSAGAWA muli ng OPLAN Lingap Kabataan Sa Lansangan ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, kung saan nasagip ang 5 menor-de-edad noong Mayo 24, 2017 sa Antipolo. Katuwang ang City Social Welfare and Development Office (CSWD) at City Peace and Order Council (CPOC). Umabot na sa 1,437 ang mga nasagip ng operasyon mula 2015 hanggang 2017.

“Bilang isang ama, alam ko kung gaano kabigat sa loob ang mangamba para sa kaligtasan ng aking mga anak tuwing sila ay lalabas ng bahay. Mayroong kaakibat na panganib ang pananatili ng mga menor-de-edad sa lansangan tuwing dis-oras ng gabi dahil dito sila madalas napapahamak. Kaya naman laging nagsasagawa ng mga operasyon ang pamahalaang lokal na makatutulong sa ating mga kabataan,” pahayag ni Mayor Ynares.

Matapos ang naturang operasyon, dinala sa Bahay Kalinga ang mga kabataan. Bilang pagsunod sa tamang proseso, kinilala ang mga kabataang nasagip upang maabisuhan ang kanilang mga magulang. Kalakip din nito ang pagsasailalim sa kanila sa counseling bago sila payagang sumama sa kani-kanilang mga pamilya.

Ibig namang paalalahanan ng pamahalaang lokal ang mga magulang hinggil sa Curfew Ordinance kung saan pinagbabawalan ang mga kabataan na magpalaboy-laboy sa lansangan tuwing dis-oras ng gabi (10:00 PM – 4:00 AM), gayun din ang kanilang responsibilidad sa kanilang mga anak na naayon sa Republic Act 7610, Presidential Decree No. 603 at ng Parental Code of Antipolo City.

Ayon sa datos ng CSWD, nasagip ng OPLAN Lingap Kabataan Sa Lansangan ang nasa 619 na kabataan noong 2015, sinundan naman ito ng 661 sa taong 2016. Sa kasalukuyan, nasa 157 na kabataan na ang nasasagip ng naturang operasyon simula Enero hanggang Mayo ng taong 2017.