MATAGUMPAY na inilunsad sa lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ang bagong Materials Recovery Facility (MRF) noong Hunyo 16, 2017 sa Mayamot National High School. Gagamitin ang pasilidad bilang imbakan ng mga pinaghiwa-hiwalay na basurang nagmula sa naturang eskwelahan.

“Mahalaga ang papel ng mga guro at eskwelahan sa paghulma ng kaisipan ng mga kabataang Antipolenyo. Ibig ko na sa paaralan palang ay matutunan na ng mga estudyante ang tamang paraan sa pagtatapon, paghiwa-hiwalay, at pag-recycle ng mga basura. Kalakip din nito ang pagnanais nating maiwasan ang pagbaha sa mga mabababang lugar at maging ‘zero waste zone’ ang buong lungsod,” pahayag ni Mayor Ynares.

Nakiisa sina Antipolo Vice Mayor Josefina “Pining” Gatlabayan, District 1 Board Member Enrico de Guzman, CEWM-Officer Daisy Lumio, Kon. Pablo Oldan, at dating Teresa Mayor Rodel dela Cruz sa naturang programa kung saan nagbahagi sila ng maikling mensahe tungkol sa kahalagahan ng pagpapanatili at pangangalaga ng kalikasan. Tinalakay din nila ang potensyal ng mga basura at katangian nitong maging kapaki-pakinabang, halimbawa na lang ang paggawa ng uling mula sa mga lumang papel at paggamit ng mga plastik bilang sangkap sa mga recyclable livelihood products.

MRF Mayamot1

MRF Mayamot2

 

Simula noong 2016 hanggang kasalukuyan, 35 MRF na ang naitatayo sa mga paaralan. Alinsunod sa RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000, hangad ng pamahalaang lokal na magkaroon na ang lahat ng mga paaralan sa lungsod ng mga MRF ngayong taon upang mabawasan at magamit muli ang mga basurang nanggagaling dito.

Katuwang din ang City Environment and Waste Management Office (CEWMO), Department of Education (DepEd), at Youth for Environment in Schools - Organization (YES-O) sa paglunsad ng naturang proyekto.