PAGPUPUGAY at pag-alala sa ika-156 na kaarawan ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal ang hatid ng 2017 Extemporaneous Speech on the Life and Works of Dr. Jose Rizal ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, katuwang ang Antipolo City Culture and Tourism Promotions Office (AnCCATPO), Order of the Knights of Rizal at DepEd - Antipolo na idinaos noong Hunyo 19, 2017 sa Robinsons Place Antipolo.

May temang “Si Rizal at ang kanyang kontribusyon sa nasyonalismo at pamumuhay ng mga Pilipino sa makabagong panahon” ang patimpalak kung saan lumahok ang 11 na mag-aaral mula sa pampublikong paaralan upang maipakita at maiparinig sa mga pumunta ang natatagong nasyonalismo ng mga kabataan ngayon.

 

Ayon kay Mayor Ynares, ang programang ito ay naglalayong ipabatid sa bagong henerasyon ng mga kabataan ang kadakilaan at kabayanihan ni Gat. Jose Rizal. Ang kanyang mga nai-ambag sa ating bansa ay marapat lang na ating buhayin at pahalagahan sa pamamagitan ng pag-alala at pagbibigay pugay sa kanyang mga salita at likha. Isa siyang mabuti at kahanga-hangang ehemplo na dapat tularan ng bawat isa.

ExtemporaneousSpeech1 

Nagpamalas ng galing sa pagbigkas at pagsagot sa nabunot na tanong ang mga mag-aaral sa Antipolo NHS, Antipolo Science and Technology HS, Cupang NHS, Dalig NHS, Dela Paz NHS, Mambugan NHS, Maximo Gatlabayan NHS, Mayamot NHS, San Jose NHS, San Isidro NHS, at San Roque NHS.

ExtemporaneousSpeech2

 

Sa huli, nakamit ni Shiloh Cadion ng Dalig NHS ang ikaunang pwesto at sinundan naman ni Jayson Gupay ng Mambugan NHS at Ma. Yvonne Ramos ng San Roque NHS sa ikalawa at ikatlong pwesto.

ExtemporaneousSpeech3

Nagpamalas din ng galing sa pagkanta si Antipolenyo Kalokalike Grand Champion Yohance Buie na kasali din sa The Voice Kids Season 3 at Lola’s Playlist Battle of the Champions ng Eat Bulaga.