Ginawaran ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ng 2016 Manila Bayani Award mula sa National Department of the Interior and Local Government (DILG). Nagwagi ang lungsod dahil sa walang tigil nitong pagpapatupad ng mga panukala at ordinansang tumutugon sa problema sa basura, gayundin sa pagpapatayo nito ng mga angkop na pasilidad na gagamiting imbakan at tapunan. Tatanggap ang Antipolo ng 1 million bilang pabuya.

“Isa pong malaking tagumpay para sa ating lahat ang panalong ito. Katibayan po ito sa hindi matatawarang serbisyo ng ating mga kawani sa pamahalaang lokal, gayundin sa aktibong partisipasyon ng mga mamamayan ng Antipolo sa mga programang ating inilunsad. Napakarami man ng mga pagsubok na ating hinarap, hindi po natin ito tinakasan, bagkus ito po ay ating hinarap ng may tapang bilang isang komunidad,” pahayag ni Mayor Ynares.

Noong Mayo 3, 2016, sinimulan ng National Environmental Compliance Audit (ECA) Team ang kanilang pagsusuri sa lungsod dahil ito ang naging kinatawan ng Region IV-A matapos nitong masungkit ang Platinum Award mula sa National DILG noong Abril 18, 2017. Katuwang ang City Environment and Waste Management Office (CEWMO), Rizal Provincial Government (RPG), at Regional DILG, tinanghal ng National DILG ang lungsod ng Antipolo bilang kampeyon, sinundan naman ito ng Marikina (2nd), at Balanga, Bataan (3rd).

Unang ibinigay ang Manila Bayani Award noong 2014 kung saan ginagawaran ang mga LGUs na malapit sa Manila Bay para sa kanilang mga proyektong makakatulong sa pagsasaayos at pangangalaga ng Manila Bay, gayundin sa kanilang mga programang magpapanatili, mangangalaga, at magtatanggol sa kalikasan.

Naging daan sa pagkakapanalo ng lungsod ang maigting na implementasyon ng mga Environmental City Ordinances katulad ng Basura Code o City Ordinance No. 2008-287. Kalakip ng ordinansa ang No Segregation, No Collection Policy at pagpapatayo ng mga Materials Recovery Facility (MRF) sa mga barangay at eskwelahan.

Naging katuwang din ng pamahalaang lokal ang YES Program ng RPG kung saan isinagawa ang iba’t ibang programa tulad ng Oplan BUSILAK (Buhayin Sapa, Ilog, Lawa, at Karagatan), Tree Planting Activities, at Rehabilitation/Clean-Up Drives sa mga barangay ng Antipolo.