MASAYANG nakilahok ang halos 250 runners sa TNT Tropa Run sa lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, noong Hunyo 17, 2017 sa Robinsons Place Antipolo. Katuwang ang Smart Communications, City Tourism Office, at Robinsons Malls, nagkaroon ng tatlong kategorya ang kumpetisyon, 3km, 5km, at 10km run kung saan aktibong ipinakita ng bawat kalahok ang kanilang kagalingan sa pagtakbo at diskarte nila sa pagsuong sa iba’t ibang obstacle courses.

Ayon kay Mayor Ynares, ang pag-eehersiyo ay esensiyal sa pagpapanatili ng ating katawan upang maging malusog at masigla. Dahil sa programang ito, hindi lang nabigyan ng pagkakataon ang mga Antipolenyo na makapag-ehersisyo, naipakita din natin sa lahat na ang mga mamamayan ng lungsod ay aktibong nangangalaga sa kanilang kalusugan at nagkakaisa.

TNT TropaRun1

Laking tuwa ng mga sumali dahil higit pa sa simpleng marathon ang handog ng TNT dahil sa kalakip na mga obstacle courses na may iba’t ibang tema ng kumpetisyon. Kabilang dito ang Instagram Garter Obstacle, Mobile Legends Maze, YouTube Tire Obstacle, Viber Ball Pit Challenge, at Facebook Color Stops. Mainit man at pawisan, ikinatuwa ng mga Tropa runners ang mga obstacle course na sumubok sa kanilang liksi at talino.

TNT TropaRun2

Matapos ang marathon, nabahagian ang mga sumali ng iba’t ibang freebies mula sa sponsors ng programa kagaya ng mga inumin, candies, at snacks. Bumida rin ang natatanging pagtatanghal ni Zeus Collins kung saan napaindak ang mga dumalo sa kanyang hataw na dance number.

TNT TropaRun3

Asahan naman na ang lungsod ay patuloy na makikipagtulungan sa iba’t iba pang mga organisasyon at ahensiya sa paghahandog ng mga kapanapanabik at nakatutuwang mga aktibidad para sa mga Antipolenyo.