Pasay City – Kung sakaling pipiliin ng Senado na lumipat sa Antipolo, makakatipid ang Mataas na Kapulungan ng mahigit kumulang na 4.14B bilyon piso dahil libreng ibibigay ang lupa ng lokal na pamahalaan at mas mababa ang building construction cost. Ang nasabing halaga ay sapat na upang gamitin para irehabilitate ang Marawi City na dumaranas sa isang matinding krisis sa ngayon.

Matatandaan na inalok ni Antipolo City Mayor Jun Ynares ang Senado ng 25 ektaryang lupaing pagmamay-ari mismo ng pamahalaang lungsod ng Antipolo upang gawing bagong tahanan ng Senado. Maisasalba nito ang 110 milyon piso na taunang renta at ang 1.44 bilyong piso na gagamitin sana ng Senado sa pagbili ng 1.4 ektarya lupain ng Bases Conversion Development Authority (BCDA) sa Navy Village-Fort Bonifacio.

Bukod pa dito, mas makakatipid pa ang Senado ng tinatayang 2.7 bilyon piso mula naman sa pagpapatayo ng bagong gusali.

Ang 25 ektaryang lupain ay matatagpuan sa geographical center ng Antipolo kung saan walang nakabantang panganib ng pagbaha at lindol hindi kagaya sa Taguig na kasama sa mga lugar na dinadaan ng West Valley Fault System.

Ang proposed site ay mas magiging accessible lalo na sa halos kasabay na pagtatapos ng mga malalaking infrastructure projects kagaya ng LRT 2 Line Extension hanggang COGEO, C6 Road mula Bicutan hanggang Batasan at Rizal Eastlake Development (RED) Project.

Mas malapit din ito sa Quezon City kung saan kasalukuyang nakatayo ang Batasang Pambansa (Mababang Kapulungan) at iba’t ibang ahensya ng pamahalaang nasyonal na palagiang katuwang ng Senado sa trabaho.

Sa laki at lawak ng lupain ay malayang makakapagtayo ang Senado at mga kawani ng mga pasilidad na kanilang kakailangan kagaya ng pabahay, parks, sports center, convention center, atbp.

Malaki rin ang matitipid ng mga hamak na mas mababa ang cost of living sa Antipolo kumpara sa Taguig na mahal ang bayad sa tubig at renta sa apartments.

Matapos ilahad ang kanyang alok sa nasabing pagpupulong, nakamit ni Ynares ang “matamis na oo” at pagsang-ayon ng mga kawani ng Senado na nakita at naunawaan ang malaking benepisyon ng nasabing paglipat.