PINALAKAS na kampanya ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, laban sa lumalalang pagbabago ng klima at wastong pamamahala ng basura ang naging tampok sa pagdiriwang ng taunang Philippine Arbor Day o National Tree Planting Day kung saan nagtulong-tulong ang 330 volunteers sa pagtatanim ng 1,500 na punongkahoy sa Antipolo City Controlled Disposal Facility (ACCDF), Brgy. San Jose noong Hunyo 25, 2017.

Malugod na nakilahok sa programa ang mga volunteer mula sa mga barangay, eskwelahan, pribadong kumpanya, at Drug Users-Drug Surrenders (DUDS), gayundin ang mga kawani ng lokal na pamahalaan.

“Ang pagdiriwang pong ito ay paalala sa ating lahat na tayo po ay may malaking responsibilidad sa ating kapaligiran. Ang aktibong partisipasyon po ng bawat mamamayan ng Antipolo ang susi upang maging matagumpay ang ating kampanya laban sa lumalalang pagbabago ng panahon at upang mabawasan ang basura. Mas pinatibay po ng lokal na pamahalaan ang mga ordinansa nito ukol sa tamang pagtatapon at paghiwa-hiwalay ng basura, gayundin sa pagpapanatili at pangangalaga ng kalikasan,” pahayag ni Mayor Ynares.

Katuwang ang City Environment and Waste Management Office (CEWMO), isinagawa ang tree planting activity sa ACCDF bilang bahagi ng National Greening Program (NGP) ng pamahalaang nasyunal at Ynares Eco-System (YES) to GREEN Program ng pamahalaang panlalawigan. Iba’t ibang uri ng punongkahoy ang naitanim gaya ng Narra, Bamboo, Mahogany, Auri, Caballero, at Fire Tree.

ArborDayVolunteers

Nagbigay ng pambungad na mensahe si Ms. Violeta Sabulao-Faiyaz, CEWM-Officer tungkol sa masamang epekto ng mga basura sa ating kapaligiran at ang kahalagahan ng pagtatanim ng puno upang malabanan ang climate change.

ArborDayVolunteers1

Nakiisa sa programa ang mga kawani mula sa iba’t ibang departamento ng pamahalaang lungsod ng Antipolo, kasama ang mga volunteers sa San Jose National High School, Annex IV, Annex I, Antipolo City Science and Technology High School, at Manila Water. Tumulong din sa pagtatanim ang mga kawani ng Brgy. Dela Paz, San Juan, San Jose, Mambugan, Mayamot, at San Isidro.

ArborDayVolunteers2

Kaakibat ng naturang pagdiriwang ang partisipasyon ng mga DUDS kung saan kanilang binungkal at inihanda ang lupang pagtataniman ng mga punongkahoy noong Sabado, Hunyo 24, 2017 sa ilalalim ng kanilang Community Based Rehabilitation Program.

Patuloy na pinaigting ng pamahalaang lokal ang kanilang mga programang pangkalikasan, kaya hindi nakakagulat nang tanghalin ang Antipolo bilang Grand Champion sa 2016 Manila Bayani Award sa Environmental Compliance Audit (ECA) na iginawad ng Department of the Interior and Local Government.