NAGHANDOG ng “Special Movie Screening for the Blind and Deaf” ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, katuwang ang SM City Masinag para sa halos 100 na bata at matandang may kapansanan o Persons with Disability (PWD) na ginanap sa Cinema 1 ng naturang mall noong Agosto 1, 2017. Bahagi ang naturang programa ng pagdiriwang ng “39th National Disability Prevention and Rehabilitation Week” na may temang “Karapatan at Pribilehiyo ng may Kapansanan, Isakatuparan at Ipaglaban.”        

Ayon kay Mayor Ynares, patuloy ang pamahalaang lokal sa pagsasagawa ng mga programa na nagsusulong ng higit na benepisyo para sa mga PWD. Aniya, nagpapasalamat siya sa pakikipagtulungan ng SM na mabigyan ng mas malawak na oportunidad ang mga kapwa natin na may kapansanan.

PWDFreeMovie2

Libreng ipinalabas sa mga PWD ang “Oz the Great and Powerful” na mayroong mas pinalakas na “sounds” at mas pinalaking “subtitles” para mas mapadali ang kanilang panonood ng pelikula na tumagal ng halos isa’t kalahating oras.

PWDFreeMovie1

Kaugnay nito, nagdaos din ng maikling programa ang City Social Welfare and Development Office (CSWD) sa Sumulong Park kung saan nagkaroon ng nakakaaliw na dance performances, parlor games at raffles.

Sinisiguro naman ng pamahalaang lungsod na mabigyan ang mga mag-aaral na PWD ng pagkakataong kumita sa pamamagitan ng summer job sa ilalim ng programang Special Program for Employment of Student (SPES) na taun-taon nitong isinasagawa.

Sa darating na Oktubre, muling magsasagawa ng free movie screening ang pamahalaang lokal katuwang ang SM City Masinag.