NAGBIGAY kasiyahan sa mga Persons-with-Disability (PWD) ang isinagawang 39th National Disability Prevention and Rehabilitation Week Celebration mula sa Antipolo City Government, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, noong Agosto 1, 2017 na ginanap sa Sumulong Park. Pinangasiwaan ng National Council Disability Affairs, katuwang ang City Social Welfare and Development Office, ang pagdiriwang na may temang “Karapatan at Pribilehiyo ng may Kapansanan, Isakatuparan at Ipaglaban” kung saan dinaluhan ng iba’t ibang PWD at mga organisasyon mula sa 16 na barangay.

“Hindi uso ang kapansanan kung sama-sama at nagtutulungan tayo na makumpleto ang bawat isa. Napakasarap pong pagmasdan na ang ating mga kapatid na may “kakaibang kakayanan” ay nakakangiti at ating nabibigyan ng kasiyahan. Lagi niyo tatandaan na ang nagbibigay importansiya sa may kapansanan ang siyang may tunay na malasakit sa bayan,” sabi ni Mayor Ynares.

Dumalo rin sa pagdiriwang sina Vice Mayor Pining Gatlabayan, 1st District Representative Chiqui Roa-Puno, Kon. Phillip Acop, Kon. Christian Alarcon, Kon. Paui Tapales at Kon. Nixon Aranas upang magbigay ng mga mensaheng magpapalakas sa loob ng bawat isa at iparating sa lahat na hindi hadlang ang kapansanan.

Nagkaroon ng mga palaro para sa mga PWD katulad ng On-the-Spot Painting Contest, Saklay Race at Hampas Palayok. Namigay din ng iba’t ibang papremyo sa isinagawang raffle at iba pang palaro na pinangunahan ng lahat ng barangay sa lungsod. Nagpamalas naman ng talento ang ilang mag-aaral ng St. Catherine Special Learning School at Bagong Nayon SPED Center sa pamamagitan ng pagsayaw at pag-awit.

Bahagi rin ng pagdiriwang ang isinagawang Special Screening (libreng sine) sa SM Masinag para sa mga dumalong PWD.

Patuloy na nagbibigay ang lungsod ng pribilehiyo sa mga PWD katulad ng 20% discount sa sinehan, sa pagbili ng gamot, sa kanilang kakainan na establisyimento at libreng pagkonsulta sa lahat ng ospital sa lungsod.