GINAWARAN ng pagkilala ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ang mga koponan at manlalarong nagwagi sa Mayor Jun Ynares Softball Cup 2017 sa ginanap na Flag Raising Ceremony noong Hulyo 31, 2017 sa Sumulong Park.

Noong Marso ng kasalukuyang taon nang simulan ang naturang pampalakasan na may layuning piliin ang mga  atletang kakatawan sa lungsod ng Antipolo sa mga national softball sports competition.

 

Ayon kay Mayor Ynares, patuloy ang pamahalaang lokal sa pagsasagawa ng mga programang magsusulong sa sports sa mga kabataan na isa sa mga paraan upang mailayo ang mga ito sa masamang bisyo gaya ng droga. Kaugnay nito, hinihikayat niya ang mga magulang na suportahan ang kanilang mga anak sa kanilang napiling larangan gaya ng sports na malaking tulong sa paghubog ng kanilang pagiging isang indibidwal. Ipinaaabot niya naman ang pagbati sa mga batang manlalaro na nagwagi at nakiisa sa ginanap na softball cup ngayong taon.

July31FlagCeremony 3

Mula sa 10 koponan na naglaban-laban, nangibabaw ang galing ng Super Friends (Champion), Dela Paz (1st runner-up), La Salle (2nd runner-up) at Club 365 (3rd runner-up) kung saan tumanggap sila ng plake ng pagkilala at cash incentives na nagkakahalaga ng P 30,000 (Champion), P 20, 000 (1st runner-up), P 18, 000 (2nd runner-up) at P 15, 000 (3rd runner-up) mula sa pamahalaang lungsod.

July31FlagCeremony 2

Kinilala rin ang ipinamalas na husay sa softball nina Jap Pedracio ng Super Friends na itinanghal na Most Valuable Player for Senior Category habang si Bombi Pedracio na mula rin sa kaparehong koponan ang Most Valuable Player for Junior Category. Binigyang parangal din sina Mick Mick Zapanta (Best Hitter), Pipoy Adia (Best RBI), Laurence Gatchalian (Home Run King).    

Samantala, itinanghal na “Mythical Nine” sina Keitel Mallari (Best Pitcher), Entong de Len (Best Catcher), Ildefonso Mariñas (1st Base), John Christopher Leis (2nd Base), Jap Pedracio (3rd Base), King Sumulong (Short Stop), Elmerson Pagsaligan (Best Right Fielder), Carlo Conge (Best Center Fielder) at Bombi Pedracio (Best Left Fielder).

Isinusulong ng pamahalaang lokal ang paglalaro ng sports kung saan noong Marso, binuksan nito ang Sports Hub sa Brgy. San Isidro upang mapakinabangan ng mga kabataang Antipolenyo.