KAHANDAAN at dagdag kaalaman tungkol sa kalamidad ang hatid ng Disaster Resilience Seminar ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, na ginanap noong Hulyo 25, 2017 sa Antipolo City Hall. Sa pangunguna ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), ibinahagi sa mga dumalo ang kahandaan at mga kaalaman na makakatulong sa bawat isa kung sakaling humagupit ang kalamidad.

“Takot at pangamba ang ating nararamdaman tuwing naririnig natin ang mga balitang tayo ay hahagupitin ng kalamidad o sakuna. Nababalitaan din natin na malapit na dumating ang “The Big One,” ang napakalakas na lindol. Bago pa man dumating ang mga sakunang ito, sisiguraduhin po natin na sapat na ang ating paghahanda at kaalaman. Sa pamamagitan ng mga programang ito, makakaasa ang bawat mamamayan ng Antipolo na ang ating pamahalaang lokal ay handang rumesponde at tumulong sa oras ng sakuna,” ayon kay Mayor Ynares. 

Nakipagtulungan ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), Philippine Disaster Resilience Foundation, Ynares Unified Ladies Association (YULA), at National Nutrition Council IV-A  upang mas mapatibay ang mga programang magbibigay kaligtasan sa mamamayan.

Kabilang din sa nasabing summit ang Memorandum of Agreement signing kung saan nakasaad dito ang pakikipagtulungan ng simbahan sa oras ng pangangailangan kagaya ng paggamit ng kampana bilang hudyat ng sakuna at paggamit ng Antipolo Cathedral bilang evacuation center. Bukod dito, nagkaroon ng open forum upang maiabot ng bawat isa ang kanilang kaalaman at karanasan sa tuwing nagkakaroon ng mga sakuna.

Patuloy ang pamahalaang lokal na palakasin ang ugnayan nito sa mga iba’t ibang sektor ng komunidad upang masigurado na ang lungsod ay maabot ang layunin na isulong ang kaligtasan ng lahat ng mamamayan at maituro ang wastong mga hakbang, kahandaan at proseso sa panahon ng sakuna at kalamidad.