TUMANGGAP ng donasyon na nagkakahalaga ng $ 5,100 ang Kanlungan ng Kabataan Village (KKV) mula sa Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, katuwang ang opisina ni District 1 Congresswoman Cristina “Chiqui” Roa-Puno, Joshua’s Heart Foundation (JHF), Soroptimist International at City Social Welfare and Development (CSWD) sa paglulunsad ng programang “Aid for Antipolo” noong Hulyo 29, 2017. Pangunahing layunin ng programa na matulungan ang mga kabataang dumaranas ng kahirapan at kakulangan sa pagkain.

Ayon kay Mayor Ynares, malaking bagay ang pakikipagtulungan ng Joshua’s Heart Foundation sa pamahalaang lungsod sa paghahatid ng tulong sa mga kabataang kapus-palad at nangangailangan ng karagdagang atensyon at pagkalinga. Kaugnay nito, ipinaaabot din niya ang pasasalamat sa masisipag na house parents na gumagabay naman sa mga kabataang nasa loob ng Kanlungan ng Kabataan Village. Aniya, patuloy ang pamahalaang lokal sa pagsasagawa ng mga proyektong mangangalaga sa mga kabataang Antipolenyo.

AidforAntipoloKKV1

Nakatakda namang ilaan ang naturang donasyon sa Supplementary Feeding Program ng mga batang nasa pangangalaga ng KKV sa loob ng 120 days habang ang matitirang bahagi nito ay gagamitin sa pagpapagawa at pagbili ng ibang kagamitan na kailangan ng naturang shelter.

AidforAntipoloKKV2

Ipinaabot naman ng Chairman ng JHF na si Jordan Wong, 17 taong gulang, ang kaniyang mensahe na naglalaman ng pag-asa at pag-alaala sa mga kapwa niya kabataang nasa kustodiya ng KKV.

Bukod sa pakikipag-ugnayan sa mga shelters, patuloy din ang pamahalaang lokal sa pagsasagawa ng OPLAN Lingap Kabataan sa Lansangan habang nagbigay din ito noong Agosto 1 ng Free Movie Screening katuwang ang SM Masinag na may temang “Movies for the Blind and Deaf” para sa mga kabataang PWD.