BILANG patibay sa kampanya kontra basura ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, katuwang ang City Environment and Waste Management Office (CEWMO), inilunsad ng Binayoyo Elementary School ang ika-40 na Materials Recovery Facility (MRF) sa lungsod at “Gulayan sa Paaralan” noong Hulyo 26, 2017. Bilang kaakibat ng YES Program ng Rizal Provincial Government, itinayo ang mga pasilidad upang maging daan sa implementasyon ng idelohiyang gawing zero-waste ang mga paaralan at isapuso ng mga kabataan ang karunungang kanilang nakuha rito.

“Kasama ang lokal na pamahalaan, sabay-sabay po nating isabuhay ang mga kaalamang ating natutunan sa programang ito. Ang tagumpay po ng programang ito ay nakasalalay sa aktibong partisipasyon ng bawat mamamayan. Kaya naman po akin kayong inaanyayahan na makiisa at tayo’y magtulong-tulong sa pagpapanatili ng kalinisan ng ating siyudad,” pahayag ni Mayor Ynares.

MRF Binayoyo1

Binahagi rin sa programa na mahalaga ang paghubog sa kaisipan ng mga mag-aaral sa mga wastong pamamaraan ng pagtatapon at paghihiwalay ng mga basura gayundin ang importansya ng pagtatanim ng mga halaman.

Katuwang ang Department of Education (DepEd) at Youth for Environment in Schools –Organization (YES-O), gagamitin ang mga naturang pasilidad upang mapayabong ang kaalaman at maisapuso ng mga mag-aaral ng Binayoyo ES ang kahalagahan ng wastong pangangasiwa ng mga basura.

MRF Binayoyo2

Pinangunahan nina Kon. Christian Alarcon at CEWMO Coordinator Daisy Lumio, kinatawan ni CEWMO Officer Engr. Violy Sabulao-Faiyaz, ang nasabing paglulunsad.