KAKAIBANG talento ang ipinakita ng mga pitbull sa isinagawang “Conformation Show” ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, katuwang ang Remy Kennel Club Philippines, noong Hulyo 23, 2017 na ginanap sa Vista Mall Antipolo.

Ayon kay Mayor Ynares, hindi lang kalusugan ng mga mamamayan ang dapat pangalagaan sapagkat bahagi rin ng ating responsibilidad na pangalagaan ang kaligtasan ng ating mga alagang hayop. Dagdag pa niya, sa wastong pangangalaga natin maiiwasan ang pagkalat ng mga sakit gaya ng rabis. Aniya, tuloy-tuloy at mas pinaigting ng pamahalaang lokal ang pagbibigay ng programa katulad na lamang ng libreng bakuna kontra rabis.

PitbullCompetition1

Katuwang ang City Veterinary Office (CVO), sa pangangasiwa ni CVO Head Dr. Cornelia Vergara, nagkaroon ng libreng bakuna ng mga alagang hayop bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaang lokal na sugpuin ang rabis sa lungsod.

PitbullCompetition2

Hinati ang kumpetisyon sa dalawang antas, ang Champion at ang Hall of Fame Series. Nagtunggalian ang 48 na pitbulls sa limang kategorya (Classic, Standard, Pocket, Extreme, at XL Bully) na sumukat sa abilidad hindi lamang ng mga aso pati na rin sa kakayahan ng mga owner sa pagpapalaki ng kanilang mga alagang hayop. Nakatanggap ang mga nagwagi ng tropeyo at certificate of award gayundin ng mga gamit at pagkain ng aso mula sa Happy Raw Meal. Kabilang sa mga asong nanalo sina Dub Rhino at Breezy para sa Over All Best in Show.

Naipakita ng RKCP sa programa, sa pamumuno ng presidente nito na si Francis Fernando, na hindi natural na mabangis ang mga aso bagkus nakasalalay sa pagpapalaki ng mga amo ang ugali ng kanilang mga alagang hayop.

Isang kapanapanabik na bahagi rin ng programa ang Search and Rescue Demo ng Metro Manila Development Authority (MMDA) K-9 Corps kasama ang kanilang alagang German Shepherd kung saan nasaksihan ng mga dumalo ang kahanga-hangang abilidad ng mga aso sa paghahanap ng mga tao at bagay sa pamamagitan ng kanilang pang-amoy.