SUMAILALIM ang ikatlong grupo ng Office of Public Safety and Security (OPSS) ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, sa apat na araw na “Traffic Management Course for Traffic Law Enforcers” na sinimulan noong ika-27 ng Hulyo na ginanap sa Antipolo City Hall. Layon ng programa na malinang at mapayabong ang kakayahan at kaalaman ng mga traffic enforcers tungkol sa mga bagong istratehiya at batas trapiko.

“Alam ko po na isang malaking bahagi ng buhay sa siyudad ang trapiko. Upang matugunan ang mga pangangailangan ng ating mga mamamayan sa lansangan, patuloy po ang mga pagsasanay na ibinibigay ng pamahalaang lokal sa ating mga kawani para sila ay makapaghatid ng tapat at maayos na serbisyo sa bawat isa,” pahayag ni Mayor Ynares.

Itinuro ng City Planning and Development Office (CPDO) sa 30 kawani ng OPSS ang mga hakbang na magpapaigting sa batas trapiko sa lansangan katulad na lamang ng City Ordinance 2013-554 o ang paglilimita at pagbabawal sa paggamit ng mga electronic devices (cellphone, tablets, atbp.) na maaaring maging sanhi ng aksidente. Kabilang din dito ang paginom, pagkain, at paninigarilyo sa loob ng sasakyan habang nagmamaneho. Bahagi rin ng pagsasanay ang muling pagtuturo sa mga kawani ng mga umiiral na batas trapiko gaya ng R.A. 4136 o Land Transportation and Traffic Code Act gayundin ang mga karapatang pantao na dapat nilang isaalang-alang.

Sinimulan ang programa noong Mayo 2017 at magtatapos ngayong Oktubre kung saan tinatayang halos 180 kawani ng OPSS ang makikiisa sa pagsasanay.