BILANG pagpapaunlad, pagbibigay oportunidad at kaalaman sa mga Dumagat, tinungo ng mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ang Mt. Canumay sa malayong sitio ng San Ysiro sa Barangay San Jose noong nakaraang buwan ng Hulyo 13-14, 2017. Planong gawing isang eco-tourism destination ang Mt. Canumay at mabigyan ng dagdag kabuhayan ang mga residente ng sitio.

“Kung gaano kalaki ang pangarap ng mga katutubo,sa kanilang pamayanan at sarili, gayundin ang potensiyal ng pag-unlad sa Canumay. Hindi magiging hadlang ang distansiya dahil,asahan ninyo na sama-sama tayo sa planong gawing masagana at maayos hindi lang ang kanilang pamayanan, kundi ang kultura at tradisyon ng mga katutubong Dumagat,” pahayag ni Mayor Ynares.

Sa pangangasiwa ng Antipolo City Culture, Arts and Tourism Promotions Office (AnCCATPO), tinuruan ang mga residente kung paano magiging isang epektibong tour guide na gagabay sa mga turista at hikers na dadayo sa kanilang lugar. Magbubukas ito ng oportunidad na dagdag kabuhayan sa mga residente.

DumagatTourGuide

Nabiyayaan din ang mga Dumagat ng Basic Life Support Training mula sa City Disaster Risk and Reduction Management Office (CDRRMO) kung saan ibinahagi ng mga kawani ang kanilang kaalaman sa pagligtas ng buhay sa pamamagitan ng pagbibigay ng lunas at paggamit ng first aid kit sa mga nasugatan.  

DumagatLifeSupport

Bahagi ang naturang programa sa isinagawang Convergence Building Zero Extreme Poverty PH 2030 noong Hunyo 16, 2017 sa Antipolo City Hall kung saan nakatuon ito sa mga komunidad ng Dumagat-Remontado sa Canumay, Libis, at Tayabasan na malaki ang kakulangan sa edukasyon, kabuhayan, kagamitan, kalusugan, at turismo.

Sa kasalukuyan, nagsusulong ng iba pang mga programa katulad ng supplemental feeding, livelihood, at Alternative Learning System (ALS) na makakatulong sa Mt. Canumay at sa mga residente nito alinsunod sa ginawang Action Plan na sinimulan na noong Marso 2017.