ISANG malaking karangalan para sa Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, na mapabilang ang Public Health Nurse na si Daniel Garcia III, sa mga napiling Regional Awardees para sa Search for Outstanding Public Officials and Employees 2017 ng Civil Service Commission (CSC).

Nakatakdang idaos ang awarding ceremony sa darating na Setyembre 11, 2017 sa Luxent Hotel, Timog Avenue, Quezon City.

"Tayo po ay natutuwa na bagama’t may mas magandang oportunidad sa ibang bansa ay pinili ni Daniel na manatili at paglingkuran ang ating mga kababayan dito sa Antipolo. Saludo po ako sa mga masisipag na nurse na sinisimbulo at kinakatawan ni Nurse Garcia, at ang mga kawani ng ating pamahalaang lokal na kabahagi po natin sa pagbibigay ng tapat na serbisyo publiko,” sabi ni Mayor Ynares. Ipinaabot din niya ang kaniyang pagbati kay Garcia sa ipinamalas nitong husay sa pagganap sa kaniyang trabaho.

Sa kasalukuyan, tumatayo si Garcia bilang Disease Surveillance Officer, Dengue Control Program Coordinator, at Rural Health Unit 5 Nurse Coordinator ng City Health Office (CHO) kung saan siya at ang buong Disease Surveillance Team ay nagsasagawa ng Aksyon Barangay Kontra Dengue (ABKD) bilang kampanya laban sa Dengue, Chikungunya at Zika Virus.

Bukod dito, tuloy-tuloy din ang pagdadaos ng “Tayo na Antipolo Health Caravan” sa buong lungsod na naghahandog ng libreng newborn at HIV screening,  dental check-up at pagbibigay ng sanitary toilets.

Aktibo ring isinasagawa ng CHO ang “Alpha Projects 1.0” na layuning makapagbigay ng mapagkakakitaan sa mga pamilyang dumaranas ng malnutrisyon.

Apo si Daniel Garcia III ni dating Antipolo City Mayor Daniel Garcia. Noong nakaraang taon, isa siya sa mga ginawaran ng parangal ng Pamahalaang Lungsod bilang Most Outstanding Employee for 2016.