BILANG bahagi ng pagdiriwang ng World Teacher's Month, nakiisa ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, sa Division Sports Festival ng Department of Education (DepEd) – Antipolo noong Agosto 19, 2017 sa Antipolo Sports Hub. May temang “Gurong Pilipino: Kaagapay sa Progreso” ang programa kung saan umabot sa 800 na guro mula sa mga paaralan sa lungsod at mga kawani ng DepEd ang nakiisa. Nagpakita ang lahat ng kanilang kakayahan, talento at diskarte sa larong basketball at volleyball.

“Saludo ako sa ating mga guro na hindi lang magaling sa paggabay sa mga kabataan, kundi maging sa palarong pampalakasan. Naipakita din nila sa pagdiriwang na ito na buo at natural sa kanila ang pagtutulungan. Dahil dito, patuloy natin na gugunitain ang kanilang katatagan at kasipagan na nagbibigay ng inspirasyon sa ating buhay,” pahayag ni Mayor Ynares.

Masayang nagparada ang mga guro mula sa San Jose National High School patungo sa Antipolo Sports Hub kung saan isinagawa ang Opening Ceremony na pinangunahan nina Antipolo City Vice Mayor Josefina “Pining” Gatlabayan at Kon. Ronald Barcena.

Nagsagawa din ng Unity Dance ang Aliwan Festival 3rd Runner Up, Maharlika Dance Troupe ng San Jose National High School, kasama ang mga guro at kawani ng DepEd na dumalo.

Ang pagdiriwang ng National Teachers’ Month ay tuwing ika-5 ng Setyembre hanggang Oktubre 5.