MASUSING pinag-aralan ng Antipolo City Government ang mga naging resulta ng Programang Tokhang Balik-Aral (TBA) upang matukoy ang mga naging epektibong pamamaraan at mga bagay na dapat pang pag-ibayuhin bilang bahagi ng anti-drug campaign. Sa pagtutulungan ng Antipolo City Anti-Drug Abuse Council (ACADAC) at DepEd-Antipolo, nagsagawa ang pamahalaang lokal ng Program Implementation Review noong Agosto 18, 2017 na ginanap sa Antipolo City Hall. Dinaluhan ito ng mga Instructional Managers (IMs) sa pangangasiwa ni DepEd – Antipolo Senior Program Specialist Albeno Del Monte Jr. 

 

Tokhang Balik Aral PostEvaluation1

“Sa halip na bigyan natin ng isda ang ating mga kababayan para mabuhay ng isang araw, mas mainam na turuan natin sila na mangisda para sila ay mabuhay. Sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng karagdagang kaalaman, nagkakaroon sila ng pagkakataon na kumita sa marangal na paraan. Hindi po titigil ang pamahalaang lungsod sa pagbibigay ng suporta at mga programa sa mga mamamayan natin na piniling magbagong buhay at talikuran ang mga bawal na gamot,” sabi ni Mayor Ynares.

Tokhang Balik Aral PostEvaluation2

Sa kasalukuyan, matagumpay na nakahikayat ang pamahalang lokal ng 87 na mga drug users – drug surrenderers (DUDS) na sumailalim sa TBA. Naging abala ang Antipolo City Anti-Drug Abuse Office (ACADAO) sa pakikipag-ugnayan sa 16 na barangay upang makuha ang mga pangalan ng mga DUDS na nais magbagong buhay. Isinumite ang mga pangalan na nalikom sa mga opisina ng DedEd-Antipolo, Antipolo PNP, at Rizal Provincial Anti-Drug Office (RADAO).

Naglatag din ng suhestiyon ang mga dumalo ukol sa programa kung saan napagkasunduan na gumawa ng isang malaking pagtitipon-tipon o “Fellowship” para sa lahat ng DUDS at learners sa lahat ng barangay. Magsisilbi rin itong One-Stop-Shop dahil iimbitahin dito ang PESO, DOLE, at TESDA para sa mga DUDS na nais maghanap ng trabaho o technical trainings / courses.

Nagsimula ang programang TBA noong Hunyo at inaasahang magtatapos sa Marso 2018.