48 na menor-de-edad ang nasagip sa buong buwan ng Hulyo sa regular na pagsasagawa ng Oplan Lingap Kabataan sa Lansangan ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares. Naisakatuparan ang programa sa pagtutulungan ng City Social Welfare and Development Office (CSWD), City Peace and Order Council (CPOC), Office of the Public Safety and Security (OPSS) at PNP – Antipolo kung saan naialis ang mga menor-de-edad sa lansangan ng lungsod na pagala-gala upang mailayo sila sa kapahamakan.

“Madami pa rin pong nasasagip na kabataan ang pamahalaang lokal kaya’t aking pong pinapaalalahanan ang mga magulang na huwag hayaang pagala-gala ang kanilang mga anak lalo na tuwing dis-oras ng gabi sa lansangan kung saan madalas nagaganap ang samu’t saring krimen. Sana’y patuloy natin silang alagaan upang mailalayo sila sa mga masasamang elemento na maaaring magdala sa kanila sa kapahamakan,” pahayag ni Mayor Ynares.

Matapos ang naturang operasyon, sumailalim sa counseling ng CSWD at Violence Against Woman and Children (VAWC) ng barangay ang mga menor-de-edad, gayundin ang mga ipinatawag na magulang.

Ayon sa datos ng CSWD, umabot na sa 1,700 na kabataang nasa lansangan ang nasagip ng programa simula pa noong 2015 hanggang sa kasalukuyan.