“LIGTAS kainin ang mga manok sa Antipolo,” ito ang naging pahayag ng pamahalaang lokal matapos masigurong walang bird flu o Avian Influenza ang mga ibinebentang poultry products sa lungsod. Iniuulat ni Dr. Cornelia Vergara, hepe ng City Veterinary Office (CVO), na hindi dapat mabahala ang publiko dahil dumaan sa meat inspection ang lahat ng mga poultry meat sa mga pribado at pampublikong pamilihan sa ginanap na 3rd Quarter Meeting ng Antipolo City Disaster Risk Reduction and Management Council (ACDRRMC) noong Agosto 23, 2017.

 

“Wala pong dapat ipangamba ang mga mamamayan ng Antipolo sa bird flu sapagkat mahigpit po ang ating pagsusuri na walang anumang sakit ang mga manok na lumalabas sa ating mga pamilihan,” sabi ni Mayor Jun Ynares.

Sa pagtutulungan ng CVO at Office of Public Safety and Security (OPSS), doble-higpit ang mga itinalagang quarantine inspection checkpoints sa lungsod para sa mga pumapasok na karne. Bunsod nito, 11 na livestock shipping vehicles sa Brgy. San Jose ang kamakailan nainspeksiyon at nakapasa batay sa pamantayan ng Meat Inspection Board kung saan kailangang makapagpakita ng mga awtentikadong dokumento mula sa lokal na pamahalaan gaya ng livestock shipping permit, veterinary health certificate, at meat inspection certificate ang lahat ng nagbibiyahe ng buhay o kinatay na karne.

Ayon sa datos ng Department of Agriculture (DA), Avian Influenza Type A Subtype H5N6 ang tumama sa bansa at napakababa lang ng tiyansiyang makuha ito ng mga tao. Inihalintulad din ang mga sintomas ng naturang sakit sa trangkaso gaya ng mataas na lagnat, masakit na katawan at maaari ring ikamatay sakaling mapabayaan.

Nakapagtala naman ang World Health Organization ng hindi lalagpas sa 20 ang namatay sa bird flu H5N6 sa buong mundo. Bagamat mas mababa kumpara sa H5N1 na kumitil ng libu-libong tao sa Tsina, inaabisuhan pa rin ang lahat na mag-ingat sa naturang sakit at siguraduhing lutong-luto ang mga karneng kinakain upang mamatay ang mga mikrobiyong nagdudulot ng sakit.