IPINAGDIWANG ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, katuwang ang Population Commission (POPCOM)-Region IV, ang ikatlong taong kaarawan ng dalawang batang kabilang sa tinaguriang 100 millionth babies ng bansa na sina King Iverson Trono at Chonalyn Sentino noong ika-27 ng Hulyo 2017. May temang “Sa Ikatatlong Taon ni Baby: Pamilya at Komunidad, Magka-agapay sa Pag-unlad” ang naturang selebrasyon na may layuning bigyan ng kahalagahan ang pagbibigay ng maayos na buhay sa mga sanggol.

“Dito po sa Antipolo, isinusulong natin ang Responsible Parenthood sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga programang layong mas lalong pagyamanin ang kaalaman ng mga magulang sa tamang pagpapalaki ng kanilang mga supling. Ang atin pong mga anak ay regalo mula sa Diyos at tungkulin naman natin bilang mga magulang na bigyan sila ng sapat na pagmamahal at pagkalinga,” pahayag ni Mayor Ynares. Ipinaabot din niya ang kaniyang pagbati sa dalawang symbolic babies.

Tumanggap ng mga  gatas, damit, sapatos, tsinelas, laruan at bike sina baby King Iverson at baby Chonalyn handog ng POPCOM-Region IV at ng pamahalaang lokal.

Bukod dito, sumailalim din sa check-up ang dalawang bata kung saan binigyan din sila ng vitamins at micronutrient powder.

Ayon sa datos ng Census of Population, nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng populasyon sa buong bansa ang Region IV para sa taong 2015.

Nakapagtala naman ang lungsod ng 90 na kabataang may edad 10-19 na nagsilang ng sanggol mula Enero hanggang Marso ngayong taon.

Kaugnay nito, aktibo ang City Health Office sa pagsasagawa ng Information, Education and Communication (IEC) Campaign tungkol sa Reproductive Health na layuning mabawasan ang kaso ng teenage pregnancy sa buong lungsod.

Ngayong buwan ng Agosto, nagsagawa rin ang pamahalaang lokal ng Pre-Marriage Counseling sa mga engaged couples na tumalakay tungkol sa kasal, marital obligations, sekswalidad, tamang pagbubuntis, pangangalaga at magandang kalusugan ng pamilya.