GINAWARAN ng red hardhats ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ang 25 na mag-aaral ng Antipolo City Institute of Technology (AiTECH) na nakakuha ng pinakamatataas na grado para sa School Year 2016-2017 sa isinagawang Hardhat Ceremony noong Oktubre 2, 2017 sa Sumulong Park. Layunin ng naturang programa na kilalanin ang galing na ipinamalas ng mga mag-aaral sa kursong Bachelor of Science in Construction Engineering (BSConE) at maging inspirasyon nila ito upang lalo pang paghusayan ang kanilang pag-aaral.

Ipinaabot naman ni Mayor Ynares ang kaniyang pagbati sa mga estudyanteng nakakuha ng mataas na grado. Aniya, napakahalaga ng edukasyon kaya naman hinahangaan niya ang mga estudyanteng patuloy na nag-aaral ng mabuti at nagsisikap na makapagtapos.

Bukod sa Hardhat awardees, pinarangalan din ang mga estudyanteng Dean’s Listers para sa ikalawang semestre ng taong ito. Tumanggap naman ng Certificate of Recognition at Bronze medals ang Grade 11 completers na nakakuha ng hindi bababa sa 90 ang GPA.

Noong nakaraang taon, nagdaos din ang pamahalaang lokal ng Hardhat Ceremony kung saan 18 na iskolar ng AiTECH ang ginawaran naman ng blue hardhats.

Ang AiTECH ang pinakaunang city college sa Pilipinas at sa buong Asya na nag-ooffer ng kursong BSConE. Taong 2015 nang pormal itong pasinayaan sa Sitio Cabading, Brgy. San Jose.