KABILANG si Daniel Garcia III, Public Health Nurse mula sa Antipolo, sa 2017 Outstanding Public Officials o “Dangal ng Bayan” awardees na pinarangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng Civil Service Commission (CSC) noong Setyembre 20, 2017 sa Rizal Ceremonial Hall, Malacañang Palace sa pagdiriwang ng ika-117 na Taong Anibersaryo ng Philippine Civil Service Commission.

Ipinagmamalaki ng buong Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ang ipinamalas na husay, propesyonalismo at integridad ni Garcia sa serbisyo publiko.

DanielGarcia DangalngBayan2

“Binabati po natin si Garcia na nagpakita ng hindi matatawarang dedikasyon sa paglilingkod sa kaniyang kapwa bilang isang nurse. Sana po ay magsilbi siyang inspirasyon sa lahat ng kawani ng gobyerno na manatiling tapat sa ating serbisyo at sinumpaang tungkulin. Huwag po sana tayong magsawang magpakita ng pagmamalasakit sa ating kapwa sa lahat ng oras,” pahayag ni Mayor Ynares.

DanielGarcia DangalngBayan1

Ginawaran si Garcia at ang siyam pang “Dangal ng Bayan” awardees ng gintong medalya at tropeyong dinisenyo ng National Artist na si Napoleon Abueva. Tumanggap din siya ng cash prize na nagkakahalaga ng P 200,000 mula sa Malacañang.

Nagsimula si Garcia na magtrabaho bilang nurse sa isa sa mga district hospital sa lungsod noong 2013. Sa kasalukuyan, nagsisilbi siyang Disease Surveillance Officer, Dengue Control Program Coordinator, at Rural Health Unit 5 Nurse Coordinator ng City Health Office (CHO).

Noong Setyembre 11, 2017, kabilang siya sa Regional Awardees of the Search for Outstanding Public Officials and Employees 2017 na pinarangalan ng Civil Service Commission habang noong nakaraang taon naman, kinilala siya ng pamahalaang lungsod bilang isa sa Most Outstanding Employees for 2016.

Apo si Garcia ni dating Antipolo Mayor Daniel Garcia.