SINIBAK ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ang dalawang Office of Public Safety and Security (OPSS) personnel na sina Ram Sabdao at Mario Morabe at kitchen helper ng Rizal Provincial Hospital System (RPHS) Annex 1 na si Emily Salazar matapos lumabag sa Republic Act No. 6713 o “Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees."

Ayon kay Mayor Ynares, napakahalaga ng pagpapanatili ng katapatan sa serbisyo may nakatingin man o wala. Aniya, bilang mga lingkod-bayan, dapat na sila ang manguna sa pagsunod ng mga itinakdang polisiya at batas ng gobyerno. Hindi papayagan ng pamahalaang lokal ang mga iligal na gawaing tulad nito kaya naman hangad niya na magsilbi sanang aral sa lahat ng kawani ng pamahalaan ang pagkakasibak sa pwesto ng mga pasaway na empleyado, dagdag pa niya.

Tinanggal sa serbisyo si Sabdao at Morabe matapos ang pagnanakaw ng baterya ng impounded na motorsiklo habang si Salazar naman sa hoarding o pagpupuslit ng mga suplay ng pagkain ng pampublikong ospital kung saan siya tumatayong helper. 

Noong Agosto, tatlong kawani naman ng Antipolo-PNP ang sinibak sa pwesto matapos mapatunayang sangkot sa Robbery Extortion.

Samantala, patuloy na nililinis ang hanay ng kapulisan at mga empleyado ng gobyerno sa pamamagitan ng paglalagay ng CCTV cameras at pagsasagawa ng drug testing at entrapment operations.