PINAGKALOOBAN ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ng plant sprayers ang 10 magsasaka mula sa Brgy. San Jose at Calawis noong buwan ng Agosto at Setyembre. Katuwang ang Department of Agriculture (DOA), Antipolo City Agriculture Office at City Annex IV, ipinamahagi ang mga nasabing kagamitan upang matulungan at madagdagan ang produksyon ng mga pananim na palay at gulay.

“Bilang pangunahing pinagkakakitaan at ikinabubuhay ng mga benepisyaryo ng programa ang pagtatanim, nawa’y ang mga kagamitang ito ay magsilbing malaking bagay sa pagpapa-unlad ng inyong pananim at kabuhayan. Makakaasa kayo na ang pamahalaang lungsod ay nakaalalay at nakasuporta sa inyong mga pagsisikap at pagpupursigi,” sabi ni Mayor Ynares.

Patuloy sa pagbibigay ng suporta ang pamahalaang lungsod sa mga magsasaka sa pamamagitan ng mga programang seeds distribution, hands-on activities at lectures para sa iba’t ibang klase ng pananim, gayundin ang Training on Farm Business School na nagtuturo sa mga magsasaka ng mga wastong paraan ng pagtatanim.