NAGPATALBUGAN ang mga senior citizens mula sa 16 na barangay sa idinaos na Mr. & Ms. Senior Citizen 2017 mula sa Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, noong Oktubre 21, 2017 na ginanap sa Ynares Center. Pinangunahan ng Antipolo Federation of Senior Citizen ang nasabing pagtitipon na may layuning buhayin ang diwa ng mga matatanda sa lungsod sa pamamagitan ng mga programang mag-aangat sa kanilang estado at mangangalaga sa kanilang kapakanan.

“Nakatutuwa pong masaksihan ang ating mga nakakatanda na ibinibigay ang kanilang buong puso sa pagpapamalas ng talento at kagandahan. Kayo ay nagsisilbing inspirasyon sa amin dahil bagamat ang iba sa inyo ay may mga nararamdaman na o may mga pinagdadaanan sa buhay ay nananatili pa rin kayong malakas hindi lang para sa inyo, kundi para din sa inyong pamilya,“ pahayag ni Mayor Ynares.

Mr.Ms. SeniorCitizen1

Dumalo rin sa programa si Antipolo Vice Mayor Josefina “Pining” Gatlabayan kung saan kanyang pinalakas ang loob at binati ang mga senior citizens na nakilahok sa mga patimpalak.

Mr.Ms. SeniorCitizen2

 

Hindi lang sa tagisan ng kagandahan ang labanan dahil bahagi din ng nasabing programa ang pagpapakitang-gilas ng mga senior citizens sa pamamagitan ng declamation, pagsayaw at pagkanta. Sa huli, tinanghal na kampeyon si Adela Brigueles ng Brgy. Mambugan na sinundan naman ni Ms. Alvina Evasco ng Brgy. San Roque at Delia Madayag ng San Jose para sa ikalawa at ikatlong pwesto.

Maliban sa pagbibigay kasiyahan, iniangat ng pamahalaang lungsod ang serbisyo sa mga senior citizens sa pamamagitan ng libreng hospitalisasyon sa lahat ng pampublikong ospital sa Antipolo, pagbibigay ng libreng birthday cake at libreng panonood ng sine sa lahat ng malls sa lungsod tuwing Lunes.