HINIKAYAT ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ang mga magulang sa Purok 5, Brgy. Cupang na isagawa at isabuhay ang wastong nutrisyon sa ilalim ng programang “Nutrition on Wheels” na ginanap noong Oktubre 18-19, 2017.

“Kami po sa pamahalaang lungsod ay kabalikat ninyo sa laban sa malnutrisyon dahil gusto po naming mabigyan ng magandang kinabukasan ang inyong mga anak. Matutupad at makakamtan po ng inyong mga supling ang kani-kanilang mga pangarap dahil ang batang malusog po ay matalino, maliksi at hindi sakitin. Hindi po magiging hadlang ang layo ng lugar sapagka’t susuyudin po namin ang Antipolo hangga’t ang bawat pamilya ay malusog at walang sakit,” sabi ni Mayor Ynares.

Sa pagtutulungan ng Public Information Office at City Health Office, tinalakay sa programa ang mga paraan sa pagsasabuhay ng tama at balanseng pagkonsumo ng iba’t ibang uri ng pagkain gayundin ang kahalagahan nito sa kalusugan at pamilya. Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga dumalo na matutunan ang pagtatanim ng mga gulay gayundin ang pagpili at paghahanda ng pagkain.

Nagsagawa rin ng palaro at pamamahagi ng mga micronutrient supplements, food packs at seedlings sa mga magulang. Bukod dito, nakatanggap din sila ng Certificate of Participation bilang pasasalamat sa kanilang pagdalo.

Bahagi ng programa ang pagsubaybay sa timbang ng kanilang mga malnourished na anak at ang paglago ng mga halamang kanilang itinanim sa loob ng 6 na buwan.

Iikot ang nasabing programa sa iba’t ibang barangay at magtatagal hanggang Disyembre 2017.