INILAPIT ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo ang trabaho sa mga residente ng Brgy. Cupang sa idinaos na ika-8 na Job Fair sa kanilang lugar noong Oktubre 13, 2017. Katuwang ang Public Employment Service Office (PESO), matagumpay ang naturang programa sa paghila ng maraming job seekers kung saan umabot sa halos 250 ang lumahok at mahigit 23 employers ang dumalo.

“Dahil po sa mga programang katulad nito ay hindi ninyo na po kakailanganin pang maghalughog ng oportunidad sapagkat kami na po mismo sa pamahalaang lungsod ang lalapit at maglalapit sa inyong lugar ng pagkakataon. Mula Upper hanggang Lower Antipolo po ay kaagapay ninyo kami, handang-handa na ibahagi ang aming tulong at gabayan kayong makakuha ng isang ligtas at desenteng trabaho,” pahayag ni Mayor Ynares.

Dumalo at nakiisa si Kon. Nixon Aranas kasama si Punong Barangay Jennifer Reyes at mga kawani ng Brgy. Cupang. sa nasabing programa. Nagsagawa na rin ng job fair sa Brgy. Dela Paz at Sta. Cruz ngayong taon bukod sa Cupang.

Nagdaan sa assessment ang mga jobseekers kung saan pinalad ang 72 na ma-hired on the spot.

Abiso ng PESO sa mga aplikante na magdala ng maraming resume upang makapag-apply sa mas maraming trabaho gayundin ang gawing presentable ang sarili sa harap ng mga employers. Kaugnay nito, magkakaroon muli ng Local Recruitment Activity sa Nobyembre 2, 2017 kasama ang City Store.