NAGTANIM ng 120 puno ng Narra ang mga estudyante ng Sun Hwa International Academy (SHIA) katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, sa Antipolo City Eco-park sa Sitio Cabading, Brgy. San Jose noong Setyembre 30, 2017. Bahagi ang aktibidad ng pagsuporta ng pamahalaang lokal sa Ynares Eco-System (YES) program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Rizal.

“Nakakatuwa pong makita ang ating mga kabataan na kaisa natin sa adbokasiya at kampanyang pangkalikasan. Hangad po natin na mas marami pang mga kabataan ang maengganyo na makilahok sa ating mga programang Tree Planting at Clean-up Drive para sa mas malinis at mas luntiang Antipolo,” pahayag ni Mayor Ynares.

Tinulungan ng mga kawani ng City Environment and Waste Management Office, sa panguguna ni Ms. Violeta Sabulao-Faiyaz, at ng Dumagat Tribe, sa pangunguna ni Chieftain Gerry Doroteo, ang mga estudyante ng SHIA sa tamang pagbubungkal ng lupa at pagtatanim ng Narra tree.

Noong Setyembre 23, 2017, nagkaroon din ng Tree Planting Activity ang pamahalaang lokal sa Boso-Boso, Binayoyo at San Ysiro sa pagdiriwang ng ika-4 na Taong Anibersaryo ng YES Program kung saan nakapagtanim ng halos 700 punong-kahoy.

Samantala, aktibo rin ang pamahalaang lungsod sa pag-monitor ng Materials Recovery Facility sa mga barangay, subdivision at paaralan sa Antipolo.