KAPIT-BISIG na isinulong ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, at ng Jollibee Corporation Foundation ang laban kontra climate change sa ginanap na tree planting activity noong Setyembre 30, 2017 sa Sitio Cabading, Brgy. San Jose sa pamamagitan ng pagtatanim ng mahigit 350 Narra seedlings.

“Bagamat nakakatakot pong isipin na kasama ang ating bansa sa most vulnerable countries na tatamaan ng climate change, isa pong magandang hudyat ang aktibong pakikiisa ng pribadong sektor sa labang patuloy na sumusubok sa ating kakayahan bilang isang Antipolenyo at Pilipino. Kami po ay laging nakaantabay at handang tumulong sa mga kumpanyang nais isabuhay ang pagmamahal, pagtatanggol at pagpapayabong ng kalikasan,” pahayag ni Mayor Ynares.

Katuwang ang City Environment and Waste Management Office, nakiisa ang halos 30 katao sa naturang programa.

Ito ang kauna-unahang pagkakataong nagdaos ang nasabing kumpanya ng tree planting sa lungsod na layong palawigin ang kaisipan sa pangangalaga ng kalikasan gayundin ang paghikayat sa mga mamamayan na isabuhay ang wastong pamamahala ng mga basura gamit ang recycling at segregation.

Bukod dito, dumalo rin ang tribo ng mga Dumagat mula sa Calawis upang ipakita ang kanilang suporta sa adbokasiyang tutuldok sa lumalalang pagbabago ng klima.