TAGUMPAY ang programang “Nutrition on Wheels” ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, matapos ang tatlong linggong pagbibigay kaalaman at kagamitan na makakatulong sa paglaban sa malnutrisyon sa Brgy. Cupang noong buwan ng Oktubre. Sa pagtutulungan ng Public Information Office, City Health Office, City Agriculture Office at mga barangay health workers, sinuri at inalam ng grupo ang mga pangunahing dahilan kung bakit malnourished ang mga anak ng halos 40 magulang mula sa Purok 3, Purok 5 at Tamenggo.

“Lahat naman po tayo hiling ang magandang kinabukasan para sa ating mga anak. Pagiging doktor, pulis, o titser ay madaling makakamit kung sila ay lalaking malusog at masigla. Sa ating gabay, pagbibigay ng wastong nutrisyon at sa pakikibahagi sa mga programang katulad nito ay masisigurado natin na ang bawat batang Antipolenyo ay maaabot ang kanilang hinahangad na pangarap,” pahayag ni Mayor Ynares.

Katamaran sa pagpapakain at kahirapan ang dalawa sa mga pangunahing dahilan kung bakit kulang sa timbang ang kanilang mga anak. Maliban sa pagbibigay ng impormasyon, matinding panghihikayat sa mga magulang ang isinagawa ng mga kawani ng pamahalaang lungsod patungkol sa pagpapakain ng tama sa kanilang mga anak at ang pagsali sa mga programang pangnutrisyon.

Bilang dagdag suporta, nakatanggap din ang mga dumalo ng libreng butong pantanim, food packs, at vitamin supplements para sa mga bata mula sa city at barangay health centers.

Tatakbo ng ilang buwan ang programa na may layuning maisapuso, maisabuhay, at maisagawa ng bawat magulang ang tamang pagpapakain sa kanilang mga anak.