TAGUMPAY muli ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, nang nagawaran sa ikatlong pagkakataon ng Seal of Good Local Governance (SGLG) mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na ginanap sa Manila Hotel noong Nobyembre 24, 2017. Pinarangalan ang lungsod dahil sa mahusay na pamamalakad nito sa gubyerno at bukod-tanging serbisyo sa publiko.

“Tayo po ay nagpapasalamat sa muli’t muling pagkilala ng pamahalaang nasyunal sa Antipolo dahil patunay lang ito na epektibo ang mga programang ipinatutupad sa siyudad. Makakaasa po kayong ipagpapatuloy namin ang aming magandang nasimulan, mas paghuhusayan pa ang mga serbisyong tutulong sa lungsod at pagagandahin pa ang mga ito,” pahayag ni Mayor Ynares.  

Kinilala ang Antipolo hindi lang sa tapat na pangangasiwa ng pondo ng bayan at “government transparency,” kundi sa walang sawa nitong pagpapalakas sa mga negosyo sa lungsod, pagsusulong ng mga serbisyong nangangalaga at nagpoprotekta sa mamamayan, pagtatayo ng karagdagang imprastrakturang makakatulong sa publiko, pagpapaunlad ng turismo at matinding mga programang nangangalaga sa kalikasan.

Bilang dagdag patunay pa ng mga nagagawang kagalingan ng lungsod, hinirang ng National Competitive Council (NCC) ang Antipolo na Overall Most Competitive Component City 2017 sa buong Pilipinas.

Samantala, aktibo rin ang pamahalaang lungsod sa pagsugpo ng iligal na droga sa tulong ng 16 na barangay at ng iba’t iba pang departamento kaugnay nito. Prayoridad din ang kalusugan ng bawat Antipolenyo kaya’t itinayo ang 4 na pampublikong ospital at patuloy ang pagsasagawa ng libreng medical services. Bukod dito, sinisigurado rin ng pamahalaang lungsod na nabibigyan ang kabataan ng tamang edukasyon at nailalayo sa kapahamakan sa pamamagitan ng programang kagaya ng Oplan Lingap Kabataan.

Kaugnay nito, kasama rin ang lalawigan ng Rizal sa pinarangalan ng DILG. Kabilang din ang munisipalidad ng Tanay, Taytay, Angono at Binangonan sa mga LGUs na binigyang pagkilala.

Noong taong 2015 at 2016, tumanggap din ang lungsod ng kaparehong parangal.