HINDI hadlang sa Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ang distansiya sa pagpapalaganap ng wastong nutrisyon sa isinagawang “Nutrition on Wheels” noong Nobyembre 21-23, 2017 sa malayong sitio ng San Joseph sa Brgy. San Jose. Sa pagtutulungan ng Public Information Office, City Health Office, City Agriculture Office at mga barangay health workers, naihatid sa 15 magulang ang kahalagahan ng paglaban sa malnutrisyon para sa kanilang mga anak upang masiguradong masigla at malusog ang mga ito habang lumalaki.

“Bilang isang magulang, sa atin nakasalalay ang magiging kinabukasan ng ating mga anak. Lahat naman tayo hangad na sila’y masigla, malakas at matalino. Sa kadahilanang ito, ating isasaisip, isasapuso at isasagawa ang mga aral at leksyon na ating natutunan sa programang ito upang masigurado na sila ay magtatagumpay sa hinaharap at makamit ang kanilang mga pangarap,” sabi ni Mayor Ynares.

Kabilang sa mga tinalakay sa programa ang magandang epekto ng pagpapasuso, mga benepisyo ng pagsunod sa “Pinggang Pinoy,” pagpapatubo ng pananim bilang mapagkukuhanan ng mga pagkaing mayaman sa bitamina at mineral. Nakatanggap din ang mga dumalo ng libreng butong pantanim, food packs, at vitamin supplements para sa mga bata.

Ito na ang ikaanim na linggo ng programa at magpapatuloy ito hanggang Disyembre ngayong taon.