NAGSAGAWA ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ng “Seminar and Workshop on Applied Behavioral Analysis” noong Nobyembre 11, 2017 sa City Hall Day Care Center upang matulungan ang grupo ng mga magulang, guro, at person with disability (PWD) na mas maunawaan ang tungkol sa Autism Spectrum Disorder. Layon ng programa na turuan ang mga magulang at guro na gawing prayoridad sa kanilang pagtuturo ang life at safety skills sa mga taong may Autism.

“Lagi po kaming nakasuporta sa bawat mamamayan anuman ang katayuan sa buhay kung kaya’t patuloy po kami sa pamahalaang lungsod sa paggawa ng mga paraan para makapaghatid ng serbisyo publiko. Simula pa lamang po ito sa mas marami pa nating mga programang makatutulong sa mga may developmental disorder,” sabi ni Mayor Ynares.

Katuwang ang City Social Welfare and Development Office, nakiisa at nagbahagi si Kathryn Mendoza, isang Board Certified Behavior Analyst, ng mga wastong hakbang at istratehiya kung papaano matutugunan ang pangangailangan ng mga taong may Autism katulad na lamang ng paggamit ng “positive reinforcement” o ang paraan sa pagbibigay ng maganda at positibong suporta sa tao kumpara sa punishment techniques. Bukod dito, kabilang din sa dapat matutunan ng mga taong may special needs ang life, safety at socials skills para makasabay sila sa buhay. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na idinaos ang ganitong programa sa lungsod.