WALANG preno ang “Nutrition on Wheels” ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, sa pagtuligsa sa malnutrisyon at pagtuturo sa mga pamilyang nakakaranas nito sa Tanza 2, Brgy. San Jose sa isinagawang programa noong Nobyembre 14-16, 2017. Dumaan ang mga nagbubuntis at magulang sa 3-day seminar patungkol sa mas madaling paraan sa pagtatanim ng gulay, kahalagahan ng pagpapasuso, at abot-kayang balanseng pagkain bilang bahagi ng programa ng pamahalaan na mag-aangat at mag-aalaga sa kalusugan ng mga mamamayan.

“Kami po ay dumadayo at nagtutungo sa kasuluk-sulukan ng lungsod dahil prayoridad po sa amin na matulungan ang bawat pamilyang Antipoleño. Kami po ay kasangga ninyo sa labang ito dahil hangad po naming wakasan ang malnutrisyon kung kaya’t walang tigil po ang mga programang ipinapatupad laban dito,” pahayag ni Mayor Ynares.

Sa pagkakaisa at pagtutulungan ng Public Information Office, City Health Office, at City Agriculture Office, tinukoy ng mga kawani ng pamahalaang lungsod ang mga sanhi ng malnutrisyon sa naturang lugar katulad na lamang ng kahirapan at pagkakaroon ng maraming anak. Kaugnay nito, mas tinutukan sa seminar ang mga solusyon na maaaring gamitin gaya ng paggamit ng mga alternatibong sangkap bilang pamalit sa mamahaling gulay at karne gayundin ang kagandahan ng pagtatanim ng sariling gulay.

Maliban sa seminar, nagkaroon din ng pamamahagi ng buto ng pechay at mustasa, food packs, micronutrients powder at Certificate of Participation sa mga magulang na nagsipagtapos bilang pagkilala sa kanilang pakikiisa.

Ito na ang ikalimang linggong ng naturang programa sa lungsod.