MAKASAYSAYAN ang isinagawang balahian o “tribal wedding” ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, bilang bahagi ng pagdiriwang ng “Indigenous People’s Month” noong Nobyembre 18, 2017 sa San Joseph Covered Court, Brgy. San Jose.

Kauna-unahan ang naturang kasalang bayan ng mga katututbong Dumagat sa CALABARZON na datu o “tribal chieftain” ang nagkasal sa 34 na magsing-irog na katutubo.

“Dahil po sa walang tigil na pagtutulungan ng ating mga tanggapan sa pamahalaang lungsod ay namumukod-tangi po tayo sa CALABARZON na mayroong datu na may kapangyarihang magkasal. Bahagi po ito ng aming patuloy na pagsuporta at pagtangkilik sa makulay at mayamang kultura ng ating mga katutubong Dumagat,” sabi ni Mayor Ynares.

TribalWeddingDumagat

Sa pagtutulungan ng City Social Welfare and Development Office, City Civil Registrar Office, Department of Social Welfare and Development, Barangay San Jose, ginawaran ng National Philippine Statistic Authority si Datu Ernesto Doroteo ng kapangyarihang magkasal ng lehitimo. Kaugnay nito, nag-iisa at kauna-unahan si Doroteo na katutubong Dumagat sa CALABARZON na kinikilala ng batas bilang isang “solemnizing official.”

Umapaw ang kultura at tradisyon ng mga Dumagat sa naturang kasalang bayan katulad na lamang ng tradisyunal na pagsasayaw ng mga kababaihan sa giliw ng kantang “On Potok” gayundin ang pagsusuot ng pulang kasuotan na sumasagisag sa katapangan at kagitingan ng mga katutubo. Bukod dito, nagkaroon din ng maliit na salu-salo ang mga bagong kasal.

Nakiisa at nagbahagi ng isang makabuluhang mensahe sina Vice Mayor Josefina “Pining” Gatlabayan, Kon. Tony Masangkay, Kon. Paui Tapales, at Punong Barangay Felicito Garcia sa nasabing programa.

Sa kabuuan, mayroong mahigit 303 na rehistradong katutubong Dumagat sa Brgy. San Jose.