BINIGYAN ng libreng workshop tungkol sa “Business Continuity Planning” ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI), ang mga Small and Medium Enterprises (SMEs) sa lungsod noong Nobyembre 27-28, 2017 na ginanap sa Hinulugang Taktak Hall.

Layunin ng programa na bigyan ng karagdagang kaalaman ang mga SMEs kung paano isasalba at ipagpapatuloy ang kanilang negosyo sakaling magkaroon ng sakuna.

Ayon kay Mayor Ynares, napakahalaga ng kahandaan ng bawat isa pagdating sa mga posibleng pagtama ng sakuna gaya ng lindol, landslide at pagbaha. Aniya, sa panahong ito, mas lalong nangangailangan ang mga mamamayan ng suplay ng pagkain, tubig, at iba pang pangunahing pangangailangan kaya naman hindi dapat matigil ang operasyon ng  mga SMEs na kabilang sa mga nagbibigay ng naturang serbisyo.

Nagsilbing resource speaker sa 2-day workshop ang Business Continuity Program Manager ng Philippine Disaster Resilience Foundation (PDRF) na si Florian Rhiza Nery na itinuro sa mga SMEs ang paggawa ng Business Continuity Plan (BCP) o dokumentong naglalaman ng mga hakbang kung paano ipagpapatuloy ang kanilang negosyo sakaling maganap ang di inaaasahang pangyayari.

Tinalakay din sa workshop ang kahalagang magkaroon ng BCP ang mga SMEs, mga posibleng problemang maaari nilang kaharapin, pangangalaga sa kanilang assets at kahandaan sa oras ng emergency.

Dumalo rin sa naturang programa ang Provincial Director ng DTI-Rizal na si Mercedes Parreño.

Ilan lamang ang Super Metro, Puregold, Sweet Caroline Meatshop, Living Stone Bar & Grill, Angels in Motion, Emblaze Trading, Desimarpori Trading, Jillian Accounting Services, San Andrew Engineering Services at Maflor Home Healthy Food sa mga SMEs na dumalo sa workshop.