NAGPAMALAS ng ganda at talino ang mga naggagandahang dilag na kasali sa Mutya ng Antipolo 2017 ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, na ginanap noong Sabado, Disyembre 9, 2017 sa Sumulong Park. Katuwang ang Antipolo City Culture, Arts and Tourism Promotions Office, nagtagisan ang mga 23 naggagandahang dilag mula sa iba’t ibang barangay para makamit ang prestihiyosong korona at titulo ng patimpalak.

“Talaga naman maipagmamalaki ang mga kababaihan ng Antipolo na bukod sa magaganda at matatalino, may talentong maipapakita rin sa iba. Ipagpapatuloy po natin ang tradisyong humahanap at kumikilala sa mga natatanging kababaihan ng lungsod na nagsisilbing magandang impluwensiya at inspirasyon para sa mga kabataan,” mensahe ni Mayor Ynares.

Mga makukulay na kasuotan na hanggo sa temang “Candy Land” ang bumungad sa lahat sa pagpasok ng mga kalahok sa entablado. Nagpakita ang bawat isa ng kanilang galing sa pagrampa habang nakasuot ng swim wear at ang mga eleganteng evening gown. Ipinamalas din nila ang kanilang talino sa pagsagot sa mga tanong na inihanda para sa kanila.

Sa huli, itinanghal na Mutya ng Antipolo 2017 si Carmela Brielle Corrales ng Barangay San Roque, Mutya ng Antipolo - Turismo si Naomi Phoebe Adriatico ng Barangay San Roque at Mutya ng Antipolo – Kalikasan na si Maristela Bobila Santiago ng Barangay San Jose. Nakamit naman ang 1st runner up na pwesto ni Shane Nicole Chavez at Bianca Marie Bay bilang 2nd runner up. 

Bilang pormal na pagpasa ng korona sa mga bagong nanalo sa patimpalak, nagkaroon ng Final Walk at pagbibigay ng makabuluhang mensahe ang tatlong Mutya ng Antipolo 2016 na sina Patricia Kate Gonzales, Stephanie Joy Pendon at Kathrine Ventura.

Bahagi ng selebrasyon ng Christmas Fiesta sa lungsod ang taunang Mutya ng Antipolo tuwing Disyembre upang maipakita na ang lungsod ng Antipolo ay may mga kababaihang isinasabuhay ang magandang kaugalian at ganda ng dalagang Pilipina.