MATITIPUNONG katawan ang ibinida ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, sa ginanap na Mr. Antipolo 2017 noong Disyembre 15, 2017 sa Robinsons Antipolo. Sa pangangasiwa ng City Tourism Office, halos 60 kalahok ang nagtasigan at nagpakita ng galing sa pagrampa ng mga katawang makikisig sa 7 kategorya ng kumpetisyon (Novice, Physique Small, Lightweight, Physique Tall, Openweight, Bantamweight, at Women’s Physique).

“Kahanga-hanga po ang naiibang dedikasyon at tiyagang ipinakita ng mga kalahok upang makamit ang makikisig nilang mga katawan. Target po ng patimpalak na ito ang paghikayat sa lahat na isabuhay ang wasto at sapat na pag-eehersisyo dahil isa po ito sa pinakamaganda at libreng paraan para mapanatili nating malusog, malakas, at ligtas sa sakit ang ating mga sarili,” pahayag ni Mayor Ynares.

Katuwang ang Retobar, Anytime Fitness, at Robinsons Antipolo, nakatanggap ng trophy, certificate of participation at P5, 000 cash prize ang mga nanalo na sina Lumalangcap Kalaw (Novice), Ian Toyong (Physique Small), Ramil Peñaflor (Openweight at Special Award), Allan Salamangca (Physique Tall), Rodney Castillo (Lightweight at Bantamweight), at Catherin Melis (Women’s Physique).

Bahagi pa rin ito ng pagdiriwang ng Antipolo Christmas Fiesta 2017.