ISINUSULONG ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ang ligtas at makakalikasang pagsalubong sa 2018 sa pamamagitan ng pagbabawal ng paggamit at pagbebenta ng mga nakamamatay na paputok at pagtatalaga ng lugar kung saan maaaring magbenta ng mga pailaw alinsunod sa Executive Order No. 28 o “Providing for the Regulation and Control of the Use of Firecrackers and Other Pyrotechnic Devices” na ipinalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kaugnay nito, ipinaabot naman ni Mayor Ynares ang kaniyang pagbati ng manigo at masaganang bagong taon sa mga Antipolenyo. Aniya, hangad niya ang masaya, ligtas at makakalikasang pagdiriwang ng selebrasyong ito. Pinapaalalahanan din niya ang lahat na hangga’t maaari ay iwasan ang pagpapaputok upang malayo sa disgrasya at aksidente gayundin upang mapanatili ang kalinisan ng lungsod. Hinihikayat din niya ang lahat na magsagawa ng mga alternatibong paraan upang magsaya gaya ng paggamit ng torotot.

Maaari namang makabili ng samu’t saring pailaw sa mga designated areas sa lungsod kabilang ang harap ng Cherry Foodarama, Lumang  Bayan sa Brgy. Mayamot; at ang harapan ng Robinson’s Place sa kahabaan ng Circumferencial Road patungong Siete Media sa Brgy. Dela Paz.

Ilan lamang ang Watusi, Piccolo, Super Lolo, Atomic Big Triangulo, Mother Rockets, Lolo Thunder, Pillbox, Boga, Big Judah’s Belt, Big Bawang, Kwitton, Goodbye Philippines, Five Star, Pla-Pla, OG, at Giant Whistle Bomb sa mga ipinagbabawal na firecrackers.

Bukod dito, nakaantabay rin ang mga kawani ng City Disaster Risk Reduction Management Office, Antipolo-PNP, Bureau of Fire Protection at Office of Public Safety and Security  sa gabi ng pagdiriwang upang matiyak ang seguridad ng mga mamamayan.