POSITIBONG reaksyon ang natanggap ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, nang masaksihan ng mga residente at turista ang mas malinis na kapaligiran matapos ang naganap na Pasko at Bagong Taon. Tinalakay sa ginanap na coordination meeting noong Disyembre 28, 2017 ang pagpapatuloy ng mga nakagawiang istratehiya katulad ng umaga’t gabing paglilinis ng mga lansangan kahit holiday.

“Layon po ng pamahalaang lungsod na ipakita na wala pong tigil ang pagsasagawa ng mga operasyon upang mapanatiling malinis ang mga lansangan at ligtas ang mga mamamayan. Kami po ay patuloy na makikipagtulungan sa lahat ng Antipolenyo na nais ang mas malinis na lungsod ngayong bagong taon. Simulan po natin ang 2018 ng malinis ‘di lamang sa ating kapaligiran kundi pati rin sa ating mga buhay” sabi ni Mayor Ynares.

Ibinahagi rin sa nasabing pagpupulong ang matagumpay na pagsasabuhay ng mga residente ng mga makakalikasang programa katulad ng “Tapat Ko, Linis Ko” at ang malaking kontribusyon ng aktibong pakikiisa ng mga mamamayan sa paglilinis at pagpapanatili ng kalinisan gayundin ang mga aksyong walang tigil  na ginawa ng City Administrative Office, City Environment and Waste Management Office, at Radio Communications (RadComm) katulad na lamang ng deployment ng halos 800 street cleaners at environmental enforcers

Maliban dito, walang tigil din ang paghakot ng mga garbage truck sa 16 na barangay upang hindi maipon ang mga basurang maaaring magdulot ng mga sakit.

Abiso sa publiko na maaari rin tumawag sa numerong 696-9911 sakaling may mahuling lalabag sa mga ordinansang kontra basura katulad ng “No Segregation, No Collection Policy”.