MAS PINAIGTING ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ang isinasagawang Business One-Stop Shop (BOSS) na nagsimula noong Enero 3, 2018 sa Antipolo City Hall Parking Grounds. Tumatakbo ang operasyon tuwing 8:00 AM at nagtatagal hangga’t mayroon pa rin nakapilang business taxpayers.

Ayon kay Mayor Ynares, tatapatan ng pamahalaang lungsod ang dami ng tao sa pagpapaunlad ng mga hakbang ng mga programa nito para mabigyan ng mabilis at maayos na serbisyo ang mga mamamayan. Bukod dito aniya, ginagamit ang bawat buwis na nakokolekta sa pagpapatuloy at pagpapaunlad ng mga programa at imprastaktura sa buong lungsod.

Bilang patunay ng pagkakaroon ng government efficiency at ng pagiging 2017 Most Competitive Component City sa buong bansa, mas tinutukan ng Antipolo City gov’t ang BOSS 2018 sa pagpapatupad ng mga istratehiya katulad ng “3-Steps, One-day Processing Strategy” ng business permit renewal gayundin ang one-time payment at pag-alis ng pre-printed forms. Ipinatupad din ang “single entry – single exit” para sa mga businesss owners at mga kawani upang maiwasan ang pagkakaroon ng gulo sa pagpasok at paglabas ng gusali.

Malaking ginhawa rin sa mga taxpayers ang paglagay ng LED TV sa waiting area at pagbibigay ng libreng tubig, kape, snacks, masahe, manicure at pedicure, habang inaasikaso nila ang kanilang mga papeles.

Nakapagtala naman ng 17% na pagtaas sa business tax collection ang Pamahalaang Lungsod mula 2016 hanggang 2017 o mahigit P273 M gayundin ang 8% na pag-angat ng bilang ng mga business registrants. Inaasahan namang mas tataas ang kolekta ngayong 2018.

Tatakbo ang nasabing programa hanggang Enero 19, 2018.